Books Should Be Free
Loyal Books
Free Public Domain Audiobooks & eBook Downloads
Search by: Title, Author or Keyword

Ang Liham ni Dr. Jose Rizal sa mga Kadalagahan sa Malolos, Bulakan   By: (1861-1896)

Book cover

First Page:

ANG LIHAM

NI

Dr. JOSE RIZAL

SA MGA

KADALAGAHAN

SA MALOLOS, BULAKAN

Febrero, 1889

Epistorario Rizalino Vol.II p.122

Europa Pebrero 1889

SA MGA KABABAYANG DALAGA SA MALOLOS:

Nang aking sulatin ang Noli Me Tangere, tinanong kong laon, kung ang pusuang dalaga'y karaniwan kaya diyan sa ating bayan. Matay ko mang sinaliksik yaring alaala; matay ko mang pinagisa ngisa ang lahat ñg dalagang makilala sapul sa pagkabatá, ay mañgisa ñgisa lamang ang sumaguing larawang aking ninanasá. Tunay at labis ang matamis na loob, ang magandang ugalí, ang binibining anyó, ang mahinhing asal; ñgunit ang lahat na ito'y laguing nahahaluan ñg lubos na pagsuyó at pagsunod sa balang sabi ó hiling nang nagñgañgalang amang kalulua (tila baga ang kaluluwa'y may iba pang ama sa Dios,) dala ñg malabis na kabaitan, kababaan ñg loob ó kamangmañgan kayá: anaki'y mga lantang halaman, sibul at laki sa dilim; mamulaklak ma'y walang bañgo, magbuñga ma'y walang katas.

Ñguní at ñgayong dumating ang balitang sa inyong bayang Malolos, napagkilala kong ako'y namalí, at ang tuá ko'y labis. Dí sukat ako sisihin, dí ko kilala ang Malolos, ni ang mga dalaga, liban sa isang Emilia, at ito pa'y sa ñgalan lamang.

Ñgayong tumugon kayo sa uhaw naming sigaw ñg ikagagaling ñg bayan; ñgayong nagpakita kayo ñg mabuting halimbawa sa kapuá dalagang nagnanasang paris ninyong mamulat ang mata at mahañgo sa pagkalugamí, sumisigla ang aming pag asa, inaaglahì ang sakuná, sa pagka at kayo'y katulong na namin, panatag ang loob sapagtatagumpay. Ang babaing tagalog ay di na payukó at luhod, buhay na ang pagasa sa panahong sasapit; walá na ang inang katulong sa pagbulag sa anak na palalakhin sa alipustá at pagayop. Di na unang karunuñgan ang patuñgó ñg ulo sa balang maling utos, dakilang kabaitan ang ñgisi sa pagmura, masayang pangaliw ang mababang luhá. Napagkilala din ninyo na ang utos ñg Dios ay iba sa utos ñg Parí, na ang kabanalan ay hindi ang matagal na luhod, mahabang dasal, malalaking kuentas, libaguing kalmin, kundí ang mabuting asal, malinis na loob at matuid na isip. Napagkilala din ninyo na dí kabaitan ang pagkamasunurin sa ano mang pita at hiling ñg nagdidiosdiosan, kundi ang pagsunod sa katampata't matuid, sapagka't ang bulag na pagsunod ay siyang pinagmumulan ñg likong paguutos, at sa bagay na ito'y pawang nagkakasala. Dí masasabi ñg punó ó parí na sila lamang ang mananagot ñg maling utos; binigyan ñg Dios ang bawat isa ñg sariling isip at sariling loob, upang ding mapagkilala ang likó at tapat; paraparang inianak ñg walang tanikalá, kundí malayá, at sa loob at kalulua'y walang makasusupil, bakit kayá ipaaalipin mo sa iba ang marañgal at malayang pagiisip? Duag at malí ang akalá na ang bulag na pagsunod ay kabanalan, at kapalaluan ang mag isipisip at magnilay nilay. Ang kamangmañgan'y, kamangmañgan at dí kabaita't puri. Di hiling ñg Dios, punó ñg kataruñgan, na ang taong larawan niya'y paulol at pabulag; ang hiyas ñgisip, na ipinalamuti sa atin, paningniñgin at gamitin. Halimbawá baga ang isang amang nagbigay sa bawat isang anak ñg kanikanyang tanglaw sa paglakad sa dilim. Paniñgasin nila ang liwanag ñg ilaw, alagaang kusá at huag patain, dala ñg pag asa sa ilaw ñg iba, kundí magtulongtulong magsangunian, sa paghanap ñg daan. Ulol na di hamak at masisisi ang madapá sa pagsunod sa ilaw ñg iba, at masasabi ng ama: "bakit kita binigyan ng sarili mong ilaw?" Ñguni't dí lubhang masisisi ang madapá sa sariling tanglaw, sapagka't marahil ang ilaw ay madilim, ó kayá ay totoong masamá ang daan.

Ugaling panagot ng mga may ibig mang ulol, ay: palaló ang katiwalá sa sariling bait; sa akalá ko ay lalong palaló ang ibig sumupil ng bait ng iba, at papanatilihin sa lahat ang sarili. Lalong palaló ang nagdidiosdiosan, ang ibig tumarok ng balang kilos ng isip ng DIOS; at sakdal kapalaluan ó kataksilan ang walang gawá kundí pagbintañgan ang Dios ng balang bukang bibig at ilipat sa kanya ang balá niyang nasá, at ang sariling kaaway ay gawing kaaway ng Dios... Continue reading book >>




eBook Downloads
ePUB eBook
• iBooks for iPhone and iPad
• Nook
• Sony Reader
Read eBook
• Load eBook in browser
Text File eBook
• Computers
• Windows
• Mac

Reviews (Rated: 5 Stars - 2 reviews)

Reviewer: - February 1, 2018
Subject: Feb. 1 2018
thank you very much . this is a big help
Reviewer: - June 25, 2017
Subject: nice
good letters.


Popular Genres
More Genres
Languages
Paid Books